Tatlong oras kaming nag-usap ni X. Magaan at komportable ang usapan. Chat lang ‘yun, pero alam kong sa kabila ng linya ng internet, sa isang bahay sa Fairview, nandun siya, hagikhik nang hagikhik sa mga pinag-uusapan namin.
Nakakatawa. ‘Yung ex niya ang pinag-usapan namin. Hindi ako. Kundi, ‘yung lalaking ipinalit niya sakin nung napagtanto niyang straight pala siya. ‘Yun, ex na rin niya ‘yun kasi pinagpalit siya sa ibang babae. Karma raw. Tawa siya ng tawa.
Pero sa gitna ng mga “HAHAHA” at laughing emoticons, alam kong nagdurugo pa rin ‘yung puso niya. Kaya pinaglaanan ko siya ng oras na kausapin. Hinayaan ko lang siyang magkuwento nang magkuwento. Nakakatuwa. Kasi, komportable. At, magaan ang usapan.
“May nanliligaw na sakin.”
“Sino?”
“Pero alam mo, hindi pa naman ako ready ulit sa relationship.”
“Sino muna ‘yun?”
“Tsk. Wag kang maingay ha.”
“SINO NGA?”
“Kahawig mo nga siya e. Guy version mo. HAHAHA!”
Natawa rin ako. Anak ng. Nanghingi ako ng picture, syempre. Nagpadala naman siya. Ayun. Kamukha ko nga.
“Diba? Pareho kayong ilong, parehong maliit.”
“Pero barako ‘yan, mas cute ako diyan.”
“Syempre, babae ka.”
Masaya ako para kay X. Masaya ako na nandito na kami – sa panahong pinagtatawanan na lang namin ang nakaraan. We were good together. Pero, hindi lang talaga kami pangmatagalan. Kasi, lalaki pala talaga ang gusto niya. Pero, okay lang ‘yun. Kasi, masaya na rin naman ako. Meron na rin namang nagmamahal sakin – na mas higit pa kung pano ako minahal dati ni X. Kaya, okay lang. Okay na.
“Sa guy version mo ata ang bagsak ko. HAHAHAHAHA!”
Naku. Wag naman sana. Creepy e. HAHA